Monday, June 12, 2006

Gusto Ko, Pinay

Ang mga sinabi mo ay pawang katotohanan.. Sana'y marami pang Pinoy na tulad mo.. Saludo kami sa'yo, Sky_rules! Mabuhay ka!

Pirated (hehe) from peyups.com
Contributed by Sky_rules (Edited by alteredbeast)  
Posted on Monday, June 05, 2006 @ 05:06:13 PM

Biased na kung biased, pero Pinay lang ang gusto kong maging partner habang buhay. Sabi ng officemates ko, baliw daw ako dahil ang dami namang magagandang Kana na naglipana sa paligid ko. Sabi ko, hindi kabaliwan yun. Maraming rason bakit Pinay lang ang gusto ko. Bakit naman hindi? Ang Pinay, walang katulad.. naiiba sa lahat.. bukod-tangi. Yan ang Pinay.

Dream come true para sa maraming Pilipino ang magkaroon ng banyagang gf, lalo na pag naiisip si Pamela Anderson o di kaya si Carmen Elektra . Marahil, naging malaki talaga ang impluwensiya ng media sa konsepto ng marami tungkol sa kagandahan. Ikaw ba naman ang manood palagi ng porno sa DVD at mangulekta ng Playboy , tignan ko kung hindi mo pagpapantasyahan ang mga Kana . Ako, hindi naman mahilig sa “well endowed” na babae. Mas sexy pa rin para sa akin ang Pinay kahit pa hindi malaki ang hinaharap niya. Marahil, magaling lang din talagang magdala ng kaniyang sarili ang Pinay kaya’t malakas ang dating kahit sabihin pang “kinapos sa biyaya ng Langit”. Kahit sa kulay ng balat, lamang pa rin ang Pinay kung ako ang tatanungin. Ayaw ko nga ng kulay singkamas na tinubuan ng tagiptip na balat. Kakaiba pa rin ang kulay ng Pilipina. Sabi nga ng mga dayuhan, exotic ang dating. Para sakin, kayumanggi rules kaya, Pinay rules.
Sabagay, natural lang siguro na isipin ng iba na I’m nuts . Nagkalat nga naman ang mga sexy na Kana dito sa paligid ko. Pero kahit pa mismong si Miss America ang magkagusto sa akin, mas pipiliin ko pa din maging gf ang isang Pilipina. Ayaw kong pumatol sa American o kahit pa Puerto Rican ,Brazilian , o Italian . Sa aking opinyon, mas maganda ang Pinay higit sa kahit anong lahi. Maganda siya hindi lang sa panlabas na anyo, higit lalo sa kaniyang pagkatao.

Kahit kanino ka magtanong, isa lang ang sasabihin sa iyo tungkol sa Pinay. Wala nang sisipag pa sa kaniya. Kahit lampas na sa oras ng trabaho, hindi titigil ang Pinay hanggang hindi natatapos ang dapat gawin. Hindi ka iiwan sa ere at sisiguraduhing maayos ang lahat bago umalis ng opisina. Kaya masarap katrabaho ang Pinay eh. Napaka-reliable.

Kung talino naman ang pag-uusapan, lalong hindi pahuhuli ang Pilipina. Sisiw sa kanya ang lahat ng gawain. Ang bilis pumik-ap ng mga instructions. Confident. Sa pakikipag-usap na gamit ang English, hinding-hindi rin siya papatalo. Educated kasi at likas ang pagiging matalino. Willing matuto at madaling turuan. Kaya naman kahit anong lahi ang tanungin mo, bilib sila sa Pinay.

Halimbawa na lang ang sarili kong ina. Ganun na lang ang paghanga ko sa nanay ko, na nagtrabaho bilang nurse sa Middle East, dahil kilalang-kilala siya bilang kauna-unahang Pinay na naging nursing administrator ng isang government hospital doon. Dahil sa strict enforcement ng work ethics, marami syang nakabanggang tao na baluktot ang pag-iisip. Pero hindi siya natinag o natakot. Yan ang nanay, isang kahanga-hangang babae tulad ng marami pang ibang Pilipina.

Walang kasing bango ang Pinay. Malayo pa lang, amoy mo na kung may papalapit sa iyo na Pinay. Kung hindi amoy pabango, amoy mabango. Hindi malansa o masangsang at lalong walang BO. Sabi nila, ang amoy daw ng tao depende sa kinakain nya. Pero bakit ang Pinay kahit anong kainin, mabango pa rin? Hindi kaya likas na dugyot lang ang mga dayuhang kababaihan? Kahit pa kumain ng tinapa, binurong talangka, sardinas, o bagoong ang Pinay araw-araw, mabango pa rin siya. Bukod dun, likas na masinop at malinis sa katawan. Hindi lang basta naliligo sa pabango kaya mabango. Talaga lamang maselan sa pagiging malinis sa katawan ang Pinay.

Kapag Pinay ang na-inlab, patay kang bata ka. Ang pagmamahal niya, kasing-lalim ng Bermuda Triangle , kasing-lakas ng buhos ng ulan tuwing June, kasing-init ng araw tuwing March, kasing-sarap ng lechon ng Cebu, batchoy ng Iloilo, sisig ng Trellis, sinigang na baboy ng Kamayan at isaw sa UP. Napakasarap. Nakakakilig. Nakaka-adik.
Pinay lang ang gusto kong lagi kasama. Sa tagal ko na dito sa America hindi pa ako nakakapunta sa Disneyland. Siguro dahil hinihintay ko na may makasama akong Pinay. Mas higit akong matutuwa kapag sumakay ako sa Thunder Mountain na may katabing Pinay na tumitili at labas ang ngala-ngala sa sobrang excitement. Mas higit din na masaya yung may kadaldalang Pinay habang kumakain ng pizza at popcorn. Mas nakaka aliw kung sa bawat picture na kukunin with Tazmanian Devil at Bugs Bunny ay may kasamang Pinay na nakangiti. Kasi, without a doubt, masarap kasama ang Pinay.

Nasisiraan na daw ako ng bait sabi ng mga officemates ko. Pwede naman daw makipag-date sa mga Kana eh bakit hanap pa ako nang hanap ng Pinay. Napakapihikan ko daw sa babae. So what? Isa lang alam ko, kung hindi rin lang Pinay, mabuti pang tumandang mag-isa.

Hay naku. Basta ang gusto ko, Pinay.