Saturday, January 01, 2005

kanlungan

4 na oras at kalahati din ang itinagal ng biyahe. nakakahilo ang paliku-likong daan. pero hindi na ako nagsuka, hindi tulad ng dati, halos 5 na taon ang nakakaraan.

hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko dito. ito ay isang lugar na hindi ko kilala. parang ikaw, hindi na kita kilala. o mas mainam sigurong sabihin na hindi ako nabigyan ng pagkakataon na makilala ka at ikaw na makilala ako.

ang alam niya nasa tagaytay ako ngayon kasama ang mga officemates ko. nagbabakasyon. ngayon lang ako nagsinungaling sa kanya..hindi ako sanay pero gusto ko na lang isipin na para rin naman ito sa kanya e. para sa akin. para sa amin.

naramdaman ko ang pamilyar na haplos ng malamig na hangin sa aking mukha habang napapalibutan ng mga puno na tila bahagi na ng pagkatao ko.

bakit nga ba ako nandito gayung alam ko namang wala ka?

pumasok ako sa loob. buti na lang at walang tao dahil bakasyon. pag may nagtanong kung anong ginagawa ko dito, magkukunwari na lang akong naligaw.

ibang-iba na ang lugar na ito kumpara sa nakatatak sa mapurol kong memorya. iba na ang kulay ng mga building. nadagdagan pa nga yata sila. medyo moderno na rin ang mga gamit sa paligid. pero ang punong ito ay matayog pa rin. ang punong sinandalan mo nang una kitang nakita na nag-gigitara at nang tiningala mo ako habang ako'y nasa ikalawang palapag ng building na ngayon ay kulay orange na. naaalala ko pa nang magpakilala ka sa akin. medyo hindi maganda ang tunog ng pangalan mo pero okay na din.

pare, niyanig mo ang mundo ko noon...

ngayon, pinagmumukha mo akong tanga dito. para akong baliw na gumagawa ng sariling music video. palakad-lakad. paling-linga. hahaplusin ang puno.

ano ba talaga ang ginagawa ko dito? ni hindi naman kita makikita. hindi makakausap. pero ayoko na kasi na tuwing magpaPasko, naaalala kita.. tuwing nababanggit ang lugar na ito, hindi ko maiwasang isipin kung kumusta ka na kaya, kung ano ang naging buhay mo. ayoko na yung pakiramdam na kinakabahan pa rin tuwing makikita ko ang mga bagay na bigay mo. o ang maalala ka tuwing maririnig ang Pasko na Sinta Ko.

gusto na kitang kalimutan. hindi na kita mahal kung yun ang iniisip mo. gusto ko nang sa iba ialay ang pagmamahal at pag-aalaga na dati ay para sayo lang. kaya gusto ko nang magsimula nang panibago. na wala ka na. na isa ka na lang alaalang hindi na ako kayang maapektuhan pa.

ito ang pangalawa at huling pagkakataon na yayapak ako sa lugar na ito dala ang pag-asang hatid mo.

pero hindi naman kita gustong tuluyang makalimutan e. napakaganda mong bahagi ng buhay ko para kalimutan lang. balang-araw gusto pa din kitang makita, kumustahin. tanungin kung naaalala mo pa ako.. yun ay kung makikilala pa kita. pero sa ngayon oras na para bumalik sa buhay ko. ang buhay ko ngayon. hindi ko alam kung nakatulong ang pagpunta ko dito. hindi ko alam kung pagbalik ko mayroon bang magiging pagbabago. basta, ang alam ko lang minsan kailangang tapusin ang isang kabanata para makapagsimula ng panibago. at ito ang siyang aking ginawa.

eto na ang dyip na magdadala sa akin sa terminal ng bus. tatahakin ang daan na nilakbay ko noon nang iwanan kita.

"Manong, sa bayan ho. isa lang."

Kinuha ni manong ang bayad. kasunod noon ay ang pag-ilanlang ng musika mula sa speaker ng dyip..

panapanahon ang pagkakataon...
maibabalik ba ang kahapon...

ngayon ikaw ay nagbalik..
tulad ko rin ang yong pananabik...
makita ang dating kanlungan...
tahanan ng ating tula at pangarap...
nagyon ay naglaho na...
saan hahanapin pa...





No comments: